SHAME... Dapat Bang Ikahiya?


Nang ipalabas ang Shame (Regal Films, Inc., 1983) , marami ang nagulat sa pelikulang ito ni Elwood Perez. Taglay ng pelikula ang mga di-mapagpalayang imahe ng kababaihan tulad ni Charley (Claudia Zobel), na naging panggulo sa buhay ng mga lalaki at sa nanahimik na relasyon ng mag-amang Berting (Robert Arevalo) at Nonoy (Patrick de la Rosa) pati ang katawa-tawang pa-intelektuwal ni Dickie (Dexter Doria) ang nahuhumaling na direktor at nagkalinga kay Charley. Bagamat nakasentro ang dulang pampelikula ni Iskho Lopez sa animo boluntaryong pagkilos ni Charley, ang pag-usad ng kuwento ay mahigpit pa ring nakakawing sa mga motibasyong pang-lalaki at maka-lalaki. Pangunahin dito ang panata ni Berting sa pagganap bilang Kristo sa taunang pagtatanghal ng senakulo at ang pagkawasak ng kanyang mga pangarap para sa anak na si Nonoy. Kaakibat nito ang pagsibol ng pagkalalaki ni Nonoy, ang kanyang pakikipagsapalaran sa lungsod, pagmamahal at pagkabigo kay Charley.

Sumusunod ang lente ng kamera sa bawat pitik, galaw ng katawan at mukha ni Claudia Zobel pati na rin ang kanyang mga nakakasalamuha habang ginagaygay nito ang pasikut-sikot ng baryo. Kumunoy ng trahedya ang situwasyon ni Charley lalo pa't tila wala siya ni katiting na kamalayan sa kinalulubugan. Sayang at hindi napangatawanan ng palabas na ito ang diskurso ng naratibo. Mapapansin na pagkatapos maipundar ang milyu, hindi na alam ng direktor kung paano paandarin ang istorya. Sapat nang ipasubo ang bida sa mga kung-anu-anong situwasyong nangangailangan ng paghuhubad. Ngunit maliban sa pagtukoy ng kahinaang ito na siya naman talagang bumalda sa Shame, ibaling na lang natin ang ating pansin sa makapal na tekstura ng pelikulang napapalooban ng mga nakalilibang na sangkap tulad ng maingay na sabunutan, sampalan, iyakan, sigawan at ang walang humpay na hubaran at higit sa lahat, ang malinaw na mensahe. Sa panahong napakahalaga ng midyum ng pelikula upang hindi lamang ipakita ang nangyayari sa buhay kundi magbukas ng mga posibilidad na baguhin at mapaunlad ito, nakakabulag ang mga pelikulang tulad ng Shame na nagkukubli lang sa mga pahayag na makababae ngunit kumukontra naman sa higit na pagpapalaya ng mga kababaihan.

Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikula: Iskho Lopez
Sinematograpiya: Gener Buenaseda
Musika: Jun Latonio
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Len Santos
Produksiyon: Regal Films, Inc.

BROKEN MARRIAGE At Ang Salimuot Ng Relasyong Mag-Asawa


Mahigit sampung taong nagsasama bilang mag-asawa sina Ellen (Vilma Santos), floor director sa isang programang pantelebisyon at Rene (Christopher de Leon), isang investigative reporter. Sa simula pa lamang ng Broken Marriage (Regal Films, 1983) makikita na sa pag-uwi ni Ellen galing trabaho, away agad ang isasalubong ni Rene dito. Ipinakita ng pelikula ang tumitinding alitan sa pagitan ng mag-asawa hanggang magdesisyon silang pansamantalang maghiwalay. Pilit nilang ipinapaliwanang ang situwasyon sa kanilang dalawang anak. Nanirahan si Rene sa isang bahay kung saan naninirahan ang isang grupo ng mga absurd characters sa pelikula. May iskultor, may bit player at ang kinakasamang baklang art director. Di nagtagal, napilitang makisama ni Ellen bitbit ang mga anak sa poder ng kanyang ina dala ng takot nang pagnakawan ang kanilang bahay. Nang mapag-alamang ilalathala ni Rene ang isang artikulong maglalantad sa katiwalian ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan, agad itong ipinagulpi upang mapigilan ang pag-publisa ng artikulo. Samantala, tumigil si Rene kasama ang asawa't anak sa kanyang biyenan upang magpagaling at sa puntong ito naayos ng mag-asawa ang kanilang pagsasama. 


Paano malalampasan ng Broken Marriage ang Relasyon? Kung pagbabasehan ang intensiyon ng direktor, higit itong nakaaangat sa Relasyon. Mula simula hanggang katapusan, hindi lumihis ang pelikula sa mensaheng nais nitong ipahatid. Mahusay ang pagsasalarawan ni Ishmael Bernal sa domestikong suliranin ng mag-asawa bagama't sumasang-ayon sa patriyarkal na gahum habang pinagbibigyan nito ang di inaasahang pagkamulat ng lalaking protagonista ay nagpakita ding ganap sa semiotikong detalye ng kompleksidad ng resolusyon sa pansariling loob. Ang sensitibong paglikha ni Vilma Santos kay Ellen ay isang marubdob at personal na layon kung ihahambing sa naunang pagsasakarakter ng papel ni Marilou bilang kerida sa Relasyon. Hinamon ni Ellen ang kumbensiyonal na depinisyon ng pagiging asawa at pagkaina sa paghahanap ng mga alternatibo sa gitna ng makainang pagpapalaki sa mga anak. Iniugnay ni Ellen ang kanyang pribadong hapdi sa spectrum ng kanyang relasyon. Nakatutok ang tunggalian sa Broken Marriage hindi lamang kay Vilma Santos kundi kay Christopher de Leon. Nasa asawang lalaki ang bulto ng suliranin kaya sa kanya umiikot ang kuwento, ang relasyon ni Rene kay Ellen at ang relasyon ni Rene sa kanyang mga anak. Ang matalinong pagpasok ni De Leon sa karakter ni Rene ang lumiligalig sa mga kontradiksiyong talamak sa sistemang patriarkal. Kaakibat ng Broken Marriage ang manipestasyon ni Bernal sa pagbibigay ng representasyon sa reyalidad at partikular na pagsasaayos ng iba't-ibang elementong kaagapay sa masining na pagbuo ng pelikula.


Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Jose Carreon At Bing Caballero
Sinematograpiya: Manolo Abaya
Musika: Max Jocson
Editing: Jess Navarro
Disenyo: Len Santos
Produksiyon: Regal Films

Maglaro Tayo Ng TURUANG APOY


Hinuhubog ang kamalayan sa maraming paraan. Isa sa mga modo ng pakubakob sa kamalayan na tumutungo sa pagbubuo at pagsasakatuparan sa materyalidad ng pansarling kaakuhan ay ang padideploy ng mga nakakubling estratehiya ng koersiyon at pananaklaw. Isinasagawa ito ng mga nakatago ring puwersa ng mga makapangyarihan sa lipunan. Bagamat nagkukubli ang mga puwersang ito sa iba't-ibang anyo, nagagawa rin nitong magpakita sa iba't-ibang paraan. Kadalasa'y inilalantad ito ng mga pinangingibabawang puwersa ng lipunan, at ang mga paglalantad na ito ang siyang pinipilit na ihayag ng mga nasa laylayan ng lipunan. Sa iba't-iba ring kumpigurasyon ng laylayang ito babasagin at bubuwagin ang mga puwersa't estruktura ng kabuktutang sentro ng kapangyarihan. Ito ang sentral na usaping pinangahasang dalumatin ng Turuang Apoy (Brown Fox Organization, 1985). Sa unang panonood pa lamang, madali nang malaman ang pakay at hangad ng pelikula. Tungkol ito sa pag-iimbestiga ni Raul (Eddie Rodriguez) at Caloy (Ronaldo Valdez) sa pagkasunog ng isang squatter's area sa San Andres kung saan pulis ang pinagsususpetsahang may kinalaman sa malagim na sinapit ng mga naninirahan sa looban. Lingid sa kaalaman ng mga imbestigador na ang krimen ay kagagawan ni Redford Peter (Fritz Ynfante), ang baklang may-ari ng isang ekslusibong club kung saan inilalako nito ang kanyang modelong sina Santi (Chanda Romero) at Gina (Lyka Ugarte) sa mga may-kayang parokyano. Ginagamit ni Tita Red ang kanyang koneksiyon sa milyonaryong si Don Facundo (Eddie Garcia) at ang Chief Security Officer ng Central Park Hotel na si Joey Dolindo (Paquito Diaz) upang maisakatuparan ang planong pasabugin ang naturang hotel. Habang nagaganap ang lahat patuloy si Tita Red sa pakikipag-ugnayan sa mangingibig nitong si Francis (Daniel Fernando) na nahuhulog ang loob kay Gina. Susubukan itong iligtas ni Francis sa higit na kapahamakan ngunit sa kasamaang palad ay kapwa ito mapapaslang. Sa huli 'y pagbabayaran rin ni Tita Red ang lahat ng kanyang kabuktutan.


Hindi tinalakay sa Turuang Apoy ang ilang mahalagang bagay ukol sa puwersa ng komunismong higit ang kinalaman sa kalakarang nagbunsad kay Tita Red na gawin ang krimen. Masalimuot ang katotohanang bumabalot sa patakaran at pamantayang sinusunod at tinutupad ng marahas na pamumuhay. Walang scope ang pelikula at kulang ang insight ukol sa karahasang paksa nito. Pilit ang mensaheng nais ipahatid ng pelikula at tila ilusyon lamang ang dala nito sa pagtalakay ng ugnayan ng mga karakter sa bawat isa. May pasaring ang pelikula sa tungkol sa mga sindikatong ang patron ay may koneksiyon sa itaas at ganoon din naman sa mga mersenaryong bayaran, ngunit hindi ito nabigyan ng hustong pansin. Higit na pinag-abalahan ng pelikula ang elemento ng seks. Gayunpaman, iisa lamang ang kakayahan nito, ang pagtatanghal ng hubad na katawan at pagtatampok ng mga gawaing kaugnay sa seks. May pagkakataong pang dinagdagan ng pinag-ibayong suspense ang istorya. Bukod sa seks at drama, hitik din sa mga eksenang aksiyon ang Turuang Apoy. Naging mabigat lamang ang pagpapakita sa simbolo ng pelikula tulad ng pagkalaglag ng pulang lighter habang nasusunog ang iskwater dahil lumalabas itong nagpapapansin sa halip na masinop na naihabi sa naratibo. Kung susuriin, hindi nagsasabi ng tama at tumpak ang pelikula samantalang patuloy pa rin ang pamamayani ng kabuktutan sa madidilim na sulok at panig ng mundong sinasalamin ng baluktot at tiwaling pamamalakad sa lipunan.


Direksiyon: Luis Enriquez
Dulang Pampelikula: Gryk Ortaleza
Sinematograpiya: Arnold Alvaro
Musika: Jaime Fabregas
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Robert Lee
Produksiyon: Brown Fox Organization

Direksiyon: LINO BROCKA

Signed: Lino Brocka

Sa dokumentaryong Signed: Lino Brocka (Christian Blackwood Productions / Bavarian Television Munich At Channel Four Television London) ipinakita si direktor Lino Brocka, hindi lamang bilang manlilikha kundi bilang isang tunay na artistang bayan. Ipinaliwanag ni Brocka ang kahalagahan ng pagpapakita sa lumalalang suliranin ng kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng kanyang mga obrang tulad ng Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag (1975), Insiang (1976), Jaguar (1979), Bona (1980), Kapit Sa Patalim (1984) at Orapronobis (1989). Ngunit pinagtibay din ng direktor ang katotohanang kailangan din gumawa ng mga pelikulang mainstream upang matustusan ang mga proyektong nais niyang gawin. Binansagang actor's director si Brocka, at sa pelikulang ito, inanyayahan niya ang bumubuo ng dokyumetaryo na sundan siya habang ginagawa ang kauna-unahan niyang pelikula sa bakuran ngViva Films, ang Maging Akin Ka Lamang (1987). Ipinakita kung paano niya bigyan ng direksiyon ang kanyang mga aktor na sina Lorna Tolentino at Jay Ilagan sa kukunang eksena. Sa simula pa lamang isiniwalat ni Brocka ang dahilan kung bakit siya pumasok sa industriya bilang direktor dahil sa angking hilig sa pag-arte at pag-awit ngunit dahil hindi tipong artista, napagdesiyunan niyang magdirek na lamang ng pelikula kung saan kahit paano'y mabibigyan rin ng pagkakataong umarte para sa kanyang mga artista. Dinala din ni Brocka ang produksiyon sa smokey mountain kung saan kinunan ang karamihan ng kanyang mga pelikula. Ipinasyal niya ang grupo sa palibot ng loobang isinalarawan sa kanyang mga pelikula. May isang bahagi ng dokumentaryo kung saan ipinakitang kinukunan ang isang mahalagang eksena sa Pasan Ko Ang Daigdig (1987), kung saan sa unang pagkakataon ay kanyang nakatrabaho ang Megastar na si Sharon Cuneta. Mapapansin sa tagpong nabanggit ang pagtatakip ni Sharon sa kanyang ilong dahil sa amoy na nakapalibot sa kanila. Nariyan din ang pagbuhos ni Brocka ng kanyang damdamin nang ipatayo ng Unang Ginang ang Manila Film Center noong 1983. Sinabi ng direktor na kahit minsan ay hindi siya nagpunta sa naturang establisimiyento dahilan sa mga nasawi nang ito ay itinatayo pa lamang. Inilatag din ni Brocka ang kanyang simpatiya sa NPA o New People's Army at ang hantaran nitong pagkamuhi sa mga vigilante. Dahil sa naging tagumpay ng Maging Akin Ka Lamang sa takilya ay sunod niyang inihanda ang ang Macho Dancer (1989). Ipinaliwanag ng direktor ang kahalagahan ng paggawa ng ganitong uri ng pelikula. Nais niyang ipakita ang pagsasamantala sa mga binatang ang tanging nais ay kumita ng sapat upang makatulong sa kanilang naghihikahos na pamilya.

Mahusay ang pagkakagawa ni Blackwood sa Signed: Lino Brocka. Di tulad ng ibang mga dokumentaryong nakakabagot, hinayaan ng direktor na magsalita at magkuwento si Brocka. Sa isang bahagi ng pelikula ay nabanggit ni Brocka ang dahilan sa paggawa niya ng pelikula sa Viva Films. Nang makulong sila taong 1985 ni Behn Cervantes dahil sa kanilang pagsama sa welga ng mga jeepney drivers sa Cubao ang mga prodyuser ang nagpiyansa sa kanya na ang tanging hiling ay gumawa ng pelikula sa kanila si Brocka. May mga tagpong nanonood si Brocka ng kanyang mga lumang pelikula tulad ng Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974) at Tubog Sa Ginto (1971). Habang pinapanood nina Brocka at Blackwood ang mga pelikula ay isinasalin niya ang diyalogo sa Ingles para maintindihan ng banyagang direktor. Sa eksena kung saan makikipagtalik si Eddie Garcia sa lalaking kanyang nakilala sa bar ay sinabi ni Brocka na isang tunay na call boy ang kanyang kinuha para maging higit na makatotohanan ang pagganap. Hindi na matandaan ng direktor ang pangalan ng lalaki dahil halos dalawapung taon na niyang hindi napapanood ang pelikula. Sinabi din ni Brocka ang signipikong kontribusyon ng Tubog Sa Ginto dahil dito kauna-unahang tinalakay ng seryoso ang tema ng homosekswalidad, malayo sa mga karikaturang nakasanayang panoorin ng manonood ng pelikulang Pilipino. Tinanong din ni Blackwood kung bakit kinailangang magpakamatay si Eddie Garcia. Simple lang ang tugon ni Brocka, dahil gayon ang naging pagtatapos ng nobela sa komiks. Ipinakita rin sa dokyumentaryo ang video footage ng baguhang si Allan Paule habang nagre-rehearse ng sayaw para sa kanyang bagong pelikula. Sa pagtatapos ng dokumentaryo, panalangin ni Brocka na nawa'y tangkilikin ang Macho Dancer upang mamulat ang mata ng mga prodyuser na maari ring panoorin ng publiko ang mga seryosong pelikulang tulad nito.

Direksiyon At Sinematograpiya: Christian Blackwood
Musika: Michael Riesman
Editing: Monika Abspacher
Produksiyon: Christian Blackwood Productions, Bavarian Televison Munich At Channel Four Television London
Release Date: September 19, 1987 (Toronto Film Festival)

Paano Ba Talaga Umarte?


Makailang ulit nang napatunayan ang husay at galing ng artistang Pilipino ngunit may nagsasabing ang karaniwang uri ng pagganap na napapanood sa mga pelikulang Pilipino ay nababalutan ng sigawan, walang katapusang iyakan at melodrama. Kung bibigyang pansin, ang katotohanan ay nasa gitna ng obserbasyong ito. Galing sa sarsuela, komedya at moro-moro ang mga aktor at manggagawang nagpasimuno ng paggawa ng pelikula sa bansa. Dahil ipinapalabas ang mga dula sa harap ng libu-libong manonood, kinailangang isigaw at gawing ekseherado ng nagsisiganap ang kanilang mga kilos upang maipahatid ang mensahe sa mga manonood. Ang ganitong uri ng estilo ay dinala ng mga artista hanggang sa pelikula kung kaya't di pansin ng madla ang OA na pagganap. Sa paglipas ng panahon ay kinailangan ng mga artistang Pilipinong makisabay sa mga pagbabagong nagaganap sa paligid nito at ang midyum ng pelikula ay higit na komportable sa matalino at sensitibong pagganap na mapapatingkad ng kamera sa pamamagitan ng paggamit sa mga close-up.


Naging suliranin ng mga naglalakihang bituin ang pagsubok sa isang mapanghamong papel sa dahilang hindi ito tugma sa mga uri ng pelikulang nagpasikat sa mga ito. Minsang sinubukan ni Dolphy gumanap sa isang seryosong pelikula, Ang Tatay Kong Nanay (Lotus Films, 1978) sa ilalim ng direksiyon ni Lino Brocka, ngunit kahit kasama sa pelikula ang child wonder na si Nino Muhlach, sa kasamaang palad ay hindi ito kumita at di na muli pang gumawa ang komedyante ng ganitong uri ng pelikula. Samantala, nasadlak sa mga kawawa at api-apihang papel si Nora Aunor dahil ito ang mga uri ng pelikulang inaasahang pipilahan at panonoorin ng kanyang mga tagasubaybay. Gustung-gusto ng publiko si Vilma Santos sa tuwing lumalabas ito sa pelikula bilang kerida, nang minsan nitong tanggapin ang mapanghamong papel ng isang madre sa tinatayang pinakamahusay na pagganap ng aktres sa Sister Stella L (Regal Films, 1984), naglaho ang suporta ng kanyang mga tagahanga at nalugi ang pelikula sa takilya.


Ang isterotipong pagganap ay naging kalakaran sa industriya nang mahabang panahon, ngunit sa bawat pelikulang ginawa ay naunawan ng mga artista ang metodo at layuning dramatiko ng papel na kanilang ginagampanan. Nasaksihan ng mga manonood ang pagbabago sa estilo ng pag-arte ng kanilang mga hinahangaang artista. Halimbawa ang uri ng pagganap na kumikilos sa mga pelikulang nagtampok kay Charito Solis tulad ng Ina, Kapatid, Anak (Regal Films, 1979), Playgirl (Regal Films, 1981), Kisapmata (Bancom Audiovision Corporation, 1981) at Karnal (Cine Suerte, Inc., 1983). Malalim na pag-unawa sa karanasan ang ipinamalas ni Lolita Rodriguez sa Tubog Sa Ginto (LEA Productions, 1971), Stardoom (LEA Productions, 1971), Tinimbang Ka Ngunit Kulang (Cinemanila Inc., 1974), Tatlo, Dalawa, Isa (Cinemanila Inc., 1974), Ina, Kapatid, Anak (Regal Films, 1979) at Ina Ka Ng Anak Mo (Movie Masters, 1979). Bagamat api-apihan at kawawa, naantig tayo sa magiting at matatag na pagganap ni Nora Aunor sa mga pelikulang Tatlong Taong Walang Diyos (NV Productions, 1976), Minsa'y Isang Gamu-Gamo (Premiere Productions, 1976), Atsay (IAN Film Productions, 1978), Ina Ka Ng Anak Mo (Movie Masters, 1979), Bona (NV Productions, 1980), Himala (Experimental Cinema Of The Philippines, 1982), 'Merika (Adrian Films, 1984) at Bulaklak Sa City Jail (Cherubim Films, 1984). Ang makabagbag kaluluwang paglalantad ng saloobin ni Vilma Santos sa Burlesk Queen (IAN Film Productions, 1977), Pagputi Ng Uwak, Pag-Itim Ng Tagak (VS Films, 1978), Relasyon (Regal Films, 1982), Adultery (Regal Films, 1984) at Pahiram Ng Isang Umaga (Regal Films, 1989) ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Higit na mapapahalagahan ang pananaw na sinasalamin ng pelikula ang tunay na buhay sa pamamagitan ng pagganap na ipinamalas ng artista sa mga pelikulang patuloy na nagtaas ng antas sa sining ng pag-arte sa Pilipinas.

Sina PEPE EN PILAR Sa Lunan Ng Mga Dayuhan


Ang pagdadala ng diskurso ng pelikulang Pilipino sa dayuhang lunan ay naging uso sa biswal na kultura ng mga Pilipino. Unang hati pa lamang ng dekada '70 ay nagkaroon na ng ganitong takbo sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Natigil man ang ganitong kalakaran sa panahon ng batas militar sa paghihigpit ng pagbibiyahe sa labas ng bansa, nanumbalik muli ito sa dekada '80. Sinubukan ni Maryo J. de los Reyes na suungin ang usapin ng representasyon ng dayuhang espasyo sa pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng paggamit sa komedya bilang mahalagang sangkap ng kanyang naratibo sa Pepe En Pilar (Regal Films, Inc., 1981). Lumahok sa Search For Miss San Francisco Soy Sauce si Pilar (Maricel Soriano), isang patimpalak pang-telebisyon kung saan ang magwawagi ay makakapagbakasyon sa Amerka bilang gantimpala. Nang manalo si Pilar sa patimpalak, tumulak ito patungong San Francisco dala ang pag-asang muli silang magkikita ng kanyang nakatatandang kapatid. Habang sakay ng eroplano, nakilala nito si Pepe (Gabby Concepcion), isang migranteng pabalik ng Amerika. Sa mga sumunod na tagpo ay ipinakita ang patuloy na paghahanap ni Pilar at ng kaibigang si Siony (Geleen Eugenio) sa kanyang kapatid. Minsan, pinasamahan ni Siony si Pilar kay Dani (Dani Diovani), ang kanyang nobyo, ngunit pinagsamantalahan ng binata ang dalaga at dala ng labis na takot ay napadpad ito sa kotse ni Pepe. Nahikayat ng una ang huli na kunin ang serbisyo nito bilang tagapag-alaga ng kanyang Lola Rosa (Katy de la Cruz). Di naglaon ay nahulog ang kanilang loob sa isa't-isa, ngunit sa kasamaang palad ay natuntong iligal ang paglagi ni Pilar sa bansa at muling pinabalik sa Pilipinas.


Binuwag ng pelikula ang pagmamasid panturista sa dayuhang espasyo. Narito sa Pepe En Pilar ang espasyong binubuo ng mga migranteng Pilipino sa dayuhang espasyo. Mapapansin ang kahingian ng pagbubuo ng ekstensiyon ng lokal na espasyo sa dayuhang espasyo. Isang halimbawa kung paano binubuo ng mga lokal na produkto mula sa Rufina Patis hanggang sa walis tambo ang ekstensiyong ito sa dayuhang espasyo. Ngunit dahil sa kalagayan bilang dayo nagkaroon lamang ng espasyo ang mga Pilipinong migrante sa pamamagitan ng kanilang lingguhang pagsama-sama upang makapagtakda ng sarili nilang espasyo sa loob dayuhang espasyo. Magulo, hindi maayos, maraming tao ngunit kinakailangan para sa kaligtasan ng lahat lalung-lalo na kung iligal ang pagpirmi sa dayuhang espasyo. Narito rinmang banggan ng mga kulturang Pilipino na hindi panturista ang dayuhang espasyo kung kaya kinakailangang magsikap. Ganito ang naging payo nina Siony at Pepe kay Pilar. Ang mahalaga'y nabubuwag niya ang pagmamasid panturitsa sa dayuhang espasyo, kung kaya't ibinitin din ng pelikula ang konklusyon kung magiging maligaya sina Pepe at Pilar sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas. Dahil hindi na mahalaga kung saang pisikal na espasyo inilulugar ang indibidwal na tao.


Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Toto Belano At Jake Tordesillas
Sinematograpiya: Joe Batac, Jr.
Musika: Demet Velasquez
Editing: Rene Tala
Disenyo: Desarie Sy (San Francisco), Butch Garcia At Edwin Garcia
Produksiyon: Regal Films, Inc.