LAGI NA LAMANG BA AKONG BABAE? Pagsilip Sa Limitadong Mundo Ng Kababaihan


Taglay ng Lagi Na Lamang Ba Akong Babae? (Regal Films, Inc., 1978) ang mga di-mapagpalayang imahe ng kababaihan tulad ng walang muwang na si Ninay (Alma Moreno) na naging panggulo sa buhay ng mga lalaki at sa relasyon ng mga mag-asawa. Bagamat nakasentro ang iskrip ni Orlando Nadres sa animo boluntaryong pagkilos ni Ninay, ang pag-usad ng kuwento ay mahigpit pa ring nakakawing sa mga motibasyong pang-lalaki at maka-lalaki. Pangunahin dito ang pakikitungo ni Ninay kay Jaime (Mat Ranillo III), ang detail man na nakilala nito sa bus patungong Maynila. Ngunit taliwas sa inaasahan ang naging buhay niya sa piling ni Jaime. Isang gabi, nag-imbita ito ng mga kaibigan at nag-inuman sa kanilang inuupahang apartment at dito nakilala ni Ninay si Eric (Bembol Roco), manager ng isang nightclub. Sa pag-aakalang makakamtan ang hinahanap na ligaya, iniwan ni Ninay si Jaime upang makisama kay Eric. Di naglaon, napag-alaman nitong may asawa ang lalaking kinakasama at upang makatulong sa mga gastusin ay hinikayat siyang magsayaw sa club. Isa sa mga parokyano si Donato (Eddie Gutierrez), may-ari ng bangko kung saan namamasukan si Desto (Christopher de Leon), ang nobyong naiwan sa probinsiya. Nang mapatay si Eric, pumayag si Ninay sa alok ni Donato na magsama silang dalawa. Ibinigay nito ang lahat ng pangangailangang materyal ni Ninay, subalit hindi pa rin ito naging maligaya. Dumating ang pagkakataong muling nag-krus ang landas nina Desto at Ninay hanggang sa iwan nito si Donato upang magpakasal sa lalaking tangi niyang iniibig. Hindi naging madali ang kanilang buhay mag-asawa. Nawalan ng trabaho si Desto at nagkaroon pa ito ng malubhang karamdaman. Nagbalik sa pagsasayaw sa pipitsuging club si Ninay upang matustusan ang gastusin sa ospital. Sa pagtatapos ng pelikula ay nagdesisyon ang mag-asawang iwan ang buhay sa siyudad at muling magsimula ng panibagong buhay sa probinsiya.


Inaakalang masining na tatalakayin ng Lagi Na Lamang Ba Akong Babae? ang buhay ng kababaihan ngunit isang simplifikasyon lamang ang ipinakita nito. Ang babaeng uhaw sa domestikong pamumuhay. Magpakasal, magluluto, pinagsisilbihan ang asawa at mamalantsa, sa madaling salita pambahay lamang. Ginawang sex objek si Ninay kung saan nakibahagi ang mga lalaki sa kanyang katawan bilang manunupil at mananakop. Sa pakikitungo ni Ninay sa iba't-ibang mga lalaki, dumanas siya ng isang serye ng limitadong kabatiran tungkol sa kanyang sarili. Gayunpaman, naipaloob siyang muli sa limitadong hangganan ng kanyang mundo. Sa kabila ng liberal na asal na ipinakita sa pelikula, pinairal pa rin ang makalumang pagtuturing sa babae bilang pag-aari. Bagama't ipinakitang hindi pasibo ang babae sa pagtanggap ng operasyon, na sumasagot naman siya kahit paano, hindi rin naman ipinakita na gumagawa siya ng hakbang na tumutungo kahit bahagya, sa isang progresibong pagkamulat sa kanyang kalagayan. Mapanganib pa nga ang larawang itinanghal sapagkat humahantong sa konklusyong anuman ang gawin ng babae, mananatili itong walang magawa sa lakas ng lalaki, kahit karikatura ang pagsasalarawan dito. Patuloy na pinagsamantalahan ng kamera ni Bernal ang kahubdan ni Alma Moreno gayundin ang walang saysay na pag-focus sa mga binti nito habang nakikipagtalik. Sa panahong napakahalaga ng midyum ng pelikula upang hindi lamang ipakita ang nangyayari sa buhay kundi magbukas ng posibilidad na baguhin at mapaunlad ito, nakakabulag ang pelikulang tulad ng Lagi Na Lamang Ba Akong Babae? na nagli-lip service lamang sa mga pahayag na makabababe ngunit nang lumao'y kumukontra naman sa higit na pagpapalaya ng mga kababaihan.


Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Orlando R. Nadres
Sinematograpiya: Arnold Alvaro
Musika: Vanishing Tribe
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Mel Chionglo
Produksiyon: Regal Films, Inc.

MAHAL MO, MAHAL KO.. Paano Hahatiin Ang Pagmamahal?



Kontemporaryong reyalidad ang mga imahe sa pelikula tulad ng paraang ginamit upang isakatuparan ang apropriasyon ng romantikong reyalidad sa Mahal Mo, Mahal Ko (Regal Films, Inc., 1977) ni direktor Elwood Perez. Sa mga unang eksena pa lamang ng pelikula ay ipinakita ang mabilis na pag-usbong ng pag-iibigang namagitan kina Nora (Nora Aunor), isang trabahadora sa factory na pag-aari ng pamilya ni Pipo (Tirso Cruz III). Tinalikuran nito ang kinasanayang marangyang pamumuhay upang makisama sa babaeng kanyang minamahal. Ngunit hindi naging sapat ang kanilang pag-iibigan. Nang magkaroon ng malubhang karamdaman si Pipo ay nanikluhod si Nora sa matapobreng ina nito na tulungan ang anak kapalit ng paglayo sa ama ng kanyang ipinagbubuntis. Sa pagharap ni Nora sa panibagong hamon ng buhay kasama ang anak na si Boyet (Bongchi), ay nanirahan ito sa Baguio at namasukan sa isang flower shop hanggang sa makilala nito si Chris (Christopher de Leon) na labis ang pagkagiliw sa kanyang anak. Di naglaon, muling umibig si Nora sa binata at ang pangarap na mabuo ang pamilya ay naisakatuparan nang alukin ito ni Chris na magpakasal. Naging masaya ang kanilang pagsasama ngunit magsisimula itong magkaroon ng lamat sa pagbabalik ni Pipo. Nais nitong balikan ang kanyang mag-ina. Dumating ang pagkakataong kinailangang mamili ni Nora sa dalawang lalaking kapwa nagmamahal sa kanya.


Mahusay na melodrama ang Mahal Ko, Mahal Ko na mabusising tumalakay sa diskurso ng pag-ibig at lugod ng romansa, pati ng tunay na pag-ibig, magiting na ipinagtanggol ng pelikula ang pakay at di sumuko sa de-kahong pangangatuwiran. Mahusay rin ang sinematikong aspeto ng pelikulang ito. Nasa babae ang bulto ng suliranin kaya sa kanya umiikot ang kuwento, relasyon niya sa dating mangingibig at ama ng kanyang anak relasyon sa asawa at relasyon sa anak. Mas dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay sa nagganap ni Nora Aunor. Matingkad ang kanyang pagkakaganap dahil hinahatak niya tayong damhin ang kanyang mga dilemma habang dumaraan sa proseso ng lumbay, pagkabigo, pagtanggap at pagpapatawad. Sa prosesong ito, lumikha siya ng mga bagong paraan ng pagharap sa kanyang mga suliranin at pagdurusa. Kaakibat nito ang mga nahahating pananaw sa uri ng pagbibigay ng representasyon sa reyalidad at partikular na pagsasaayos ng iba't-ibang elementong kaagapay sa pagbuo ng pelikula. Bukod tangi ang may kalawakang pagsasalarawan ng milyu ni Perez na nakaugat sa imahe ng paglisan, pangungulila, lumbay ng pagkawalay at pakikipaghiwalay. Madamdamin ang pilosopikong paglalahad ng Mahal Mo, Mahal Ko tungkol sa pag-ibig, ang pagbabahagi ng sarili nang buo ang pagkatao.


Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikua: Toto Belano
Sinematograpiya: Gener Buenaseda
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Dez Bautista
Produksiyon: Regal Films, Inc.

Mga Natatanging INA Ng Pelikulang Pilipino


Sa Araw Ng Mga Ina, isang pagpupugay ang aking handog sa mga Natatanging Ina ng Pelikulang Pilipino mula sa Dekada '70 at '80.



Si Amalia Fuentes bilang Isabel sa Aguila (Bancom Audiovision Corporation, 1980)


Si Sharon Cuneta bilang Lupe sa Pasan Ko Ang Daigdig (VIVA Films, 1987)


Si Alma Moreno bilang Eva sa Mrs. Eva Fonda 16 (Sampaguita Pictures, 1976)



Si Dina Bonnevie bilang Elsa sa Maging Akin Ka Lamang (VIVA Films, 1987)



Si Charo Santos bilang Anna sa Hindi Mo Ako Kayang Tapakan (V.H. Films, Inc., 1985)


Si Rosa Rosal bilang Tinay sa Sakada (Sagisag Films, 1975)


Si Gina Alajar bilang Lani sa Ano Ang Kulay Ng Mukha Ng Diyos? (LEA Productions, 1985)



Si Susan Roces bilang Rosa sa Nasaan Ka Nang Kailangan Kita? (Regal Films, 1985)


Si Rita Gomez bilang Toyang sa Gamitin Mo Ako (V.H. Films, Inc., 1985)


Si Anita Linda bilang Lucia sa Tatlo, Dalawa, Isa (Cinemanila, Inc., 1974)


Si Lolita Rodriguez bilang Renata sa Ina Ka Ng Anak Mo (Movie Masters Film Patterns, 1979)



Si Charito Solis bilang Adelina sa Kisapmata (Bancom Audiovision Corporation, 1981)



Si Nida Blanca bilang Auring sa Miguelito Ang Batang Rebelde (D'Wonder Films, 1985)


Si Pilar Pilapil bilang Emma sa Napakasakit, Kuya Eddie (Special People Productions, 1986)


Si Vilma Santos bilang Ellen sa Broken Marriage (Regal Films, 1983)


At si Nora Aunor bilang Magnolia sa Bilangin Ang Bituin Sa Langit (Regal Films, 1989)



Iba't-ibang babae... iba't-ibang ina.

Trahedya Ng NAKAW NA PAG-IBIG

Nakaw Na Pag-Ibig
Inilalahad sa Nakaw Na Pag-Ibig (Associated Entertainment Corporation) ang pagnanasa ng tao na makatakas sa kahirapan at mapabilang sa mataas na antas ng lipunan sa pagpapakita ng pangunahing tauhang si Robert (Phillip Salvador), isang estudyanteng namamasukan sa isang textile factory. Kadalasa'y nahuhuli ito dahil malayo ang kanyang boarding house. Hanggang sa nakilala ni Robert si Corazon (Nora Aunor) at inalok siya nitong sa kanila manirahan. Di naglaon, nahulog ang loob ng babae sa lalaki. Dumating ang pagkakataong kinailangan ang serbisyo ni Robert upang ipagmaneho si Cynthia (Hilda Koronel), anak ng may-ari ng factory. Sa unang pagkikita pa lamang ay nakadama agad ito ng matinding pagkagusto sa dalaga. Iniwan nito ang trabaho sa factory upang pagsilbihan si Cynthia. Di nagtagal, umibig sila sa isa't-isa. Dahil labis ang paghanga ni Cynthia sa pagnanais ni Robert na makatapos ng pag-aaral, binigyan niya ito ng mataas na posisyon sa kanilang kumpanya. Iigting ang takbo ng kuwento nang ipagtapat ni Corazon kay Robert ang kanyang kalagayan. Ngunit higit na magiging kumplikado ang tunggalian nang mapag-alaman ni Robert na nasa parehong sitwasyon rin si Cynthia. Sa pagsapit ng kasukdulan ng naratibo magkakaroon ng oportunidad si Robert na malutas ang kanyang suliranin kay Corazon. Sa pagtatampok sa proseso ng pagpapasiya nito, naipamalas kung paanong ginamit ang melodrama sa pagsasalarawan ng damdamin, ligalig at iba pang aspetong personal.

Tulad ng nobelang An American Tragedy (1925) ni Theodore Dreiser, maingat na binuo ang karakter ng mga tauhan kaya kumikilos sila hindi ayon sa paghuwad sa mga gasgas na karakterisasyon kundi ayon sa maingat at matalinong paghimay sa iba't-ibang tensiyong kanilang kinakaharap. Si Nora Aunor bilang Corazon, ay mahusay at matalinong nagampanan ang pagsasalarawang may kakayahang umarok, mag-isip at dumama, magpasiya at kumilos sa samu't-saring kumplikasyon ng mas malawak na reyalidad ng kanyang mundo. Higit na naitanghal ng sensitibong paglikha ni Phillip Salvador ang panloob na reyalidad ni Robert. Ang mga nasa isip lamang niya ay nagkakaroon ng presensiya sa iskrin na nagsasaad ng pagkaunawa at metodo sa layuning dramatiko ng pelikula. Samantala, ang makabagbag-kaluluwang paglalantad ni Hilda Koronel ng saloobin ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Nagpahiwatig ang Nakaw Na Pag-Ibig ng pagsasadula sa mga dinaranas na pighati at pakikibaka ng mga tauhan sa estrukturang panlipunan at nagdulot ng bagong pagbatid tungkol sa pagkatao at lipunan.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Eddie Naval
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: George Canseco
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Associated Entertainment Corporation
Release Date: January 25, 1980
Nakaw Na Sandali theme song from Nakaw Na Pag-Ibig performed by Susana Pichay